Wednesday, January 10, 2007

Buhay ng Isang Bampira

Noong umpisa mahirap dahil hindi pa sanay. Pero nang tumagal ayos na rin. Marami na kaming ganito. Gising at buhay kapag gabi at tulog naman pag umaga. Nagtataka nga ako kung bakit napili ko ganitong buhay. Pero wala magagawa eh, kailangan at hinihingi ng pagkakataon.

Naalala ko pa noon, halos tatlong buwan ding ganito ang kalakaran ng sitwasyon ko. Hiningi ko rin naman talaga ang ganung buhay dahil mas mulat ako kapag pumatak na ang dilim. Ewan ko ba pero parang mas masigla ako kapag lumubog na ang araw. Tila ba nais ipahiwatig na sa dilim ako humuhugot ng lakas.

Parang saliw ng musika sa aking tenga ang huni ng mga kuliglig habang ako papalabas ng bahay. Ang sinag ng buwan na sadyang nakakahalina ang nagsisilbi kong gabay sa daan. Malimit, natutulala ako sa kanyang ganda at magigitla na lang ako kapag may narinig na ugong ng sasakyan. Tahol ng mga aso ang kasama ko habang binabagtas ang masukal na daan. Bagamat marami sa kanila ang naglalabas ng mga pangil, di ko alintana ang paghingi nila ng pansin.

Sa aking pagdating sa aking sadya, magaan ang pakiramdam at ngiti ang nakapinta sa aking labi. Tahak ang daan pataas, dahan dahan kong pinagmamasdan ang mga bagay-bagay na abot ng aking paningin. Magaan ang aking loob sa lugar na 'to kahit puno ng pagkukunwari at kasinungalingan. Ngunit hindi ito naging hadlang upang ako ay maging masaya.

Naaninag ko na ang aking mga kasamahan, naghihintay at nag-aabang ng kanilang pagkakataon. Sa pagsapit ng takdang oras, kami ay hihimlay na sa aming mga lugar. Maya-maya lang ay rinig na ang lagatak ng keyboard ng aming mga computer. Magdamag kaming ganito para kahit papano ay kumita. Kinabukasan, matutulog habang ang mundo ay gising at muling babangon sabay sa pagbagsak ng takipsilim. Ganyan ang buhay naming mga bampira.

0 comments: